Tinatayang 98 porsiyento nang handa ang Commission on Elections (COMELEC) Naga para sa nalalapit na plebisito sa Nobyembre 21.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Maico Julia Jr., Election Officer ng Comelec-Naga, sinabi nitong natapos na ang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa pagtalaga ng mga tauhan sa araw ng plebisito, inspeksiyon sa mga voting center, pagrepaso sa listahan ng mga botante, at pagsasagawa ng information dissemination sa iba’t ibang barangay. Inaasahan ding darating sa Naga City sa Nobyembre 17 ang mga balota mula sa COMELEC Central Office.
Ayon kay Julia, nakahanda na rin ang 696 na pampublikong guro na magsisilbing miyembro ng Electoral Board. Nagsagawa na ang COMELEC ng pagsasanay para sa kanila noong Nobyembre 6 at 7 upang talakayin ang General Instructions (GI), kabilang ang mga proseso sa pagboto, pagbibilang ng mga balota, at iba pang mahahalagang pamamaraan.
Gagamitin sa plebisito ang 26 na voting center sa Naga City na sumailalim na rin sa inspeksiyon upang matiyak na angkop ang mga pasilidad para sa pagboto.
Magde-deploy naman ang PNP ng mga tauhan sa labas ng bawat paaralang magsisilbing voting center upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa araw ng botohan.
Mano-mano ring isasagawa ang pagbibilang ng mga boto sa bawat silid-aralan sa pamamagitan ng tally board at tally sheet. Upang matiyak ang katumpakan ng resulta, magkakaroon ng dobleng pagsusuri sa mga naitalang boto at dokumento, gayundin ng pagtatalaga ng mga watcher upang mabantayan ang buong proseso.
Dagdag pa rito, naghanda ang COMELEC ng mga contingency measure sakaling magkaroon ng hindi inaasahang aberya. Kabilang dito ang posibilidad ng paglilipat ng voting center o gusali kung sakaling magkaroon ng pagbaha, paggamit ng mga alternatibong election supplies at forms kung magkaroon ng kakulangan, at paghahanda ng mga emergency light sakaling magkaroon ng brownout.
Samantala, nakipag-ugnayan din ang ahensiya sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Camarines Sur Electric Cooperative (CASURECO) upang matugunan ang mga posibleng problema sa suplay ng kuryente.
Binigyang-diin ni Julia ang kahalagahan ng malaya at kusang-loob na pagboto, batay sa sariling paninindigan at pagpapasya ng bawat botante.














