May inaasahang malaking pagtaas sa presyo ng langis sa susunod na linggo, na maaaring umabot hanggang ₱16 kada litro para sa diesel, ₱11 kada litro para sa gasolina, at ₱3.50 kada litro para sa kerosene, dulot ng patuloy na geopolitical conflict sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

Ayon sa apat na araw na monitoring ng presyo sa Mean of Platts Singapore, inaasahang apektado ang pangunahing produktong petrolyo sa bansa. Kaugnay nito, hinikayat ni Department of Energy Secretary Sharon Garin ang mga gasolinahan na ipatupad ang price increase nang paunti-unti upang mabawasan ang epekto sa mamamayan at ipagpatuloy ang mga discount promos.

Tiniyak ni Garin na may sapat na suplay ng langis ang bansa hanggang Abril o humigit-kumulang 50 araw. Patuloy rin ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga oil companies para makakuha ng mas mabilis at posibleng mas murang suplay.

Hinikayat din ng kalihim ang publiko na magtipid sa paggamit ng gasolina, iwasan ang hindi kinakailangang biyahe, at kung maaari ay ipatupad ng mga kumpanya ang work-from-home setup. Paalala rin niya na huwag mag-hoard ng gasolina upang hindi maapektuhan ang delivery at suplay ng mga gasolinahan.

Advertisement
Advertisement