Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa inilunsad na Long March 8A rocket sa mga katubigan at exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa inilabas na advisory ng PhilSA, tinatayang maaaring bumagsak ang Chinese rocket debris sa unang drop zones sa loob ng EEZ ng bansa, kabilang ang mga lugar na nasa 162 nautical miles mula sa El Nido, Palawan; 185 nautical miles mula sa Puerto Princesa, Palawan; at 101 nautical miles mula sa Patag Island.

Samantala, ang ikalawang drop zone ay nasa loob ng archipelagic waters ng Pilipinas, na tinatayang 32 nautical miles mula sa Hadji Muhtamad, Basilan; 44 nautical miles mula sa Pangutaran Island, Sulu; at 47 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.

Ayon sa ahensiya, hindi inaasahang tatama ang Chinese rocket debris sa kalupaan o sa mga matataong lugar.

Advertisement

Gayunman, nagbabala ang PhilSA na maaaring maging mapanganib ang pagbagsak ng debris sa mga naglalayag na barko, eroplano, bangkang pangisda, at iba pang sasakyang-dagat o panghimpapawid na daraan sa mga nabanggit na drop zones.

Inaabisuhan din ang publiko na agad ipaalam sa mga lokal na awtoridad sakaling may mamataang kahina-hinalang debris sa mga nasabing lugar.

Pinag-iingat din ang publiko na huwag lumapit o magtangkang kunin ang debris dahil posibleng naglalaman ito ng mga natitirang toxic substance gaya ng rocket fuel.

Una rito, inilunsad ang naturang Chinese rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan madaling araw nitong Biyernes, oras sa Pilipinas.

Advertisement