Naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Ann de Vera na nasawi sa missile attack sa Tel Aviv, Israel, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa pahayag ng DMW, dumating sa bansa ang labi ni De Vera nitong Marso 14, 2026 kasama ang kanyang asawang si Bernie Lavarias.

Personal ding nakipagkita si Lavarias kay Israeli President Isaac Herzog upang ipaabot ng pamahalaan ng Israel ang pakikiramay nito sa pamilya ng nasawing OFW.

Ayon naman kay Israeli Ambassador to the Philippines Dana Kursh, nangako ang pamahalaan ng Israel na magbibigay ng lifetime support sa pamilya ni De Vera.

Advertisement

Ipinaliwanag ni Kursh na sa ilalim ng batas ng Israel, ang mga pamilya ng mga indibidwal na nasugatan o nasawi sa panahon ng digmaan—maging Israeli man o dayuhan—ay may karapatan sa panghabambuhay na benepisyo.

Kabilang sa matatanggap ng pamilya ni De Vera ang tulong pinansyal at livelihood support mula sa gobyerno ng Israel.

Si De Vera, 32 taong gulang at tubong Basista, Pangasinan, ay nagtatrabaho bilang caregiver sa Israel mula pa noong 2019.

Nasawi siya noong gabi ng Pebrero 28 matapos tamaan ng missile strike sa Tel Aviv na bahagi ng ganting pag-atake ng Iran kasunod ng operasyon ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran.

Advertisement