Iginiit ng Australian government ngayong Lunes na hindi sila magpapadala ng mga naval ship para tumulong sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng langis at natural gas sa mundo.

Ayon kay Catherine King, miyembro ng gabinete ni Prime Minister Anthony Albanese, “Hindi kami magpapadala ng barko sa Strait of Hormuz. Nauunawaan namin ang kahalagahan nito, ngunit hindi ito hiningi sa amin at wala rin kaming kontribusyon sa planong iyon,” ayon sa panayam sa state broadcaster na ABC Australia.

Tinatayang isa sa bawat limang bariles ng pandaigdigang langis at liquefied natural gas ang dumadaan sa Strait of Hormuz, na pansamantalang isinara mula noong Pebrero 28 kasunod ng digmaan sa pagitan ng US at Israel laban sa Iran.

Ulat ng The Wall Street Journal noong Linggo na plano ng administrasyong Trump na ipahayag sa loob ng linggong ito na ilang bansa ang sumang-ayon na bumuo ng isang koalisyon upang i-escort ang mga barko sa nasabing daungan.

Advertisement

Gayunpaman, nakapagpadala na ang Australia ng mga eroplano upang tumulong sa depensa ng United Arab Emirates matapos hilingin ito ng naturang bansa.

Advertisement