Sumulong sa plenaryo ng Senado ang panukalang voucher program na layong tulungan ang mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya na makapasok sa pribadong paaralan sa ilalim ng K to 12 system.
Tinalakay na sa Senado ang Senate Bill No. 1981 na inihain ni Alan Peter Cayetano kasama ang iba pang mambabatas, na naglalayong magbigay ng government-funded vouchers sa mga estudyanteng mula sa masisikip na pampublikong paaralan upang makapag-enroll sa mga kinikilalang pribadong eskwelahan.
Sa ilalim ng panukala, ang halaga ng voucher ay itatakda ng Department of Education at sasapat para matustusan ang gastusin sa pag-aaral ng benepisyaryo. Prayoridad na makikinabang ang mga estudyanteng mula sa low-income households.
Pinagsama-sama ang walong panukalang batas upang mabuo ang SBN 1981, kabilang ang panukalang Learner’s Choice in Private Basic Education Act na inihain ni Cayetano noong nakaraang taon, na inspirasyon ang voucher program ng Taguig City.
Sa sponsorship speech noong Marso 16, pinasalamatan ni Bam Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, si Cayetano at iba pang may-akda ng panukala, at binigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos para sa de-kalidad na edukasyon.
Layunin din ng panukala na mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng opsyon sa mga estudyante na lumipat sa pribadong institusyon.
Kasama rin sa panukala ang mga parusa laban sa pandaraya tulad ng “ghost learners” at iba pang anomalya upang matiyak ang maayos na implementasyon ng programa.
Ayon kay Cayetano, mahalagang hakbang ito upang matiyak ang karapatan ng bawat Pilipino sa accessible at de-kalidad na edukasyon, anuman ang estado sa buhay.
Bukod dito, awtomatikong makakatanggap ng voucher ang mga “disadvantaged learners” gaya ng persons with disabilities, mga ulila, at mga nakatira sa malalayong lugar.
Hindi tulad ng umiiral na subsidy program sa ilalim ng E-GASTPE na nakadepende sa slots ng paaralan, ang panukalang voucher ay direktang hawak ng mag-aaral o pamilya, na nagbibigay sa kanila ng kalayaang pumili ng paaralan.
Maglalabas din ang DepEd ng isang public database ng mga pribadong paaralan na kasali sa programa, kasama ang mahahalagang detalye tulad ng tuition fees at performance indicators, upang gabayan ang mga pamilya sa kanilang pagpili.
Inaasahang ipagpapatuloy ang deliberasyon sa panukala sa mga susunod na sesyon, kung saan nakatakdang maghain pa ng mga amyenda si Cayetano.









