Kinumpirma na natanggap ni Vice President Sara Duterte ang paanyaya ng House Committee on Justice para dumalo sa pagdinig sa Marso 25 kaugnay ng dalawang impeachment complaints laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Michael Poa, abogado ng Bise Presidente, kasalukuyan pa nilang hinihintay ang magiging desisyon ni Duterte kung siya ay personal na dadalo sa naturang pagdinig. Aniya, ginagabayan naman ito ng kanyang legal team sa pagbuo ng desisyon.
Samantala, sinabi ni House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro na mahalaga ang pagdalo ng Bise Presidente upang mabigyan siya ng pagkakataong sagutin ang mga paratang, bagama’t nasa kanya pa rin ang pinal na pasya.
Dagdag pa ng mambabatas, kung hindi dadalo si Duterte, maaari itong magpataas ng posibilidad na umusad ang proseso at maipadala ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
Bukod dito, inimbitahan na rin ng komite ang mga naghain ng impeachment complaints upang dumalo sa nasabing pagdinig.













