Suportado ng ilang magulang ang panukalang ipagbawal ang online gaming platform na Roblox sa bansa kasunod ng mga ulat na nagagamit umano ito sa iba’t ibang ilegal na aktibidad.

Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), may mga natukoy silang komunikasyon sa loob ng Roblox na may kaugnayan sa iligal na gawain gaya ng bentahan ng droga, armas, at maging child exploitation.

Ipinaliwanag ni CICC Executive Director Renato Paraiso na may kakulangan umano sa safety features ng platform, partikular sa messaging system nito, na maaaring magbukas ng panganib sa mga bata tulad ng exposure sa karahasan at hindi angkop na nilalaman.

Naglabas na rin ng abiso ang mga awtoridad sa pamunuan ng Roblox upang tugunan ang mga isyung ito. Kung hindi umano ito maaaksyunan, posibleng ipatupad ang pagbabawal sa nasabing platform sa Pilipinas.

Advertisement

Sa kabila nito, nagpaalala ang ilang advocacy groups na dapat maging maingat sa pagba-ban ng mga aplikasyon nang walang utos ng korte, dahil maaari itong magtakda ng mapanganib na halimbawa sa hinaharap.

Advertisement