Nagbabala ang Israel nitong Linggo sa mga mamamayan na mas titindi ang giyera laban sa Iran sa mga susunod na linggo, kasunod ng pagpapalitan ng banta ng Washington at Tehran sa mga planta ng kuryente at oil exports sa rehiyon.
Pumasok na sa ika-apat na linggo ang digmaan sa Gitnang Silangan, na may kasamang drone at missile strike sa iba’t ibang bansa. Ang labanan ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at enerhiya, at nagpalala sa pangamba sa pandaigdigang ekonomiya.
Umapela si Brigadier General Effie Defrin ng Israel, sinabi niyang “mas titindi ang giyera laban sa Iran at Hezbollah” habang pinalalalim ng Israel ang operasyon sa Lebanon at tinatarget ang mga tulay sa air strikes.
Nagbabala rin ang Iran na isasara nito ang Strait of Hormuz, pangunahing ruta ng langis at gas, kung ipatutupad ng Estados Unidos ang banta nitong bombahin ang mga planta ng kuryente ng Tehran. Nanganganib rin ang iba pang kritikal na imprastraktura gaya ng nuclear facilities, desalination plants, at pasilidad ng tubig.
Lumalala rin ang sitwasyon sa Lebanon, kung saan iniulat ng gobyerno na apat ang nasawi sa dalawang air strike sa timog bansa at mahigit isang milyong katao ang lumikas. Inakusahan ng Lebanon ang Israel na ang mga pag-atake sa tulay ay “paunang hakbang sa posibleng ground invasion.”
Ayon sa World Health Organization, ang digmaan sa Gitnang Silangan ay nasa “mapanganib na yugto,” at nanawagan ng pinakamataas na pag-iingat upang maiwasan ang anumang insidente sa nuclear facilities.
Dahil sa tensyon sa Strait of Hormuz, patuloy na tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na nagdudulot ng pangamba sa inflation at paglambat ng global growth.














