Pormal nang nanumpa si US Senator Markwayne Mullin bilang bagong pinuno ng Department of Homeland Security, sa harap ni US Pres. Donald Trump, kasunod ng kanyang pagkakatalaga upang palitan si Kristi Noem.
Isinagawa ang panunumpa sa isang seremonya sa White House matapos aprubahan ng Senado ang kanyang nominasyon sa botong 54-45 .
Si Mullin, na dating senador at kinatawan ng Oklahoma, ay itinalaga ni Pangulong Trump upang pamunuan ang ahensya na nangangasiwa sa seguridad ng bansa, kabilang ang immigration enforcement at border protection.
Papalitan niya si Kristi Noem na nagbitiw sa puwesto matapos ang ilang kontrobersiya kaugnay ng pamamalakad sa ahensya .
Sa kanyang panunungkulan, inaasahang magpapatupad si Mullin ng mas mahigpit ngunit mas sistematikong hakbang laban sa iligal na imigrasyon, bagama’t nangako rin siyang susunod sa mga legal na proseso tulad ng paggamit ng warrant sa ilang operasyon .
Matatandaang nahaharap sa kritisismo ang Immigration and Customs Enforcement (ICE) dahil sa mga ulat ng insidente ng karahasan sa ilang estado ng U.S., na lalong nagbigay-diin sa pangangailangan ng reporma sa ahensya.
Sa kabila nito, iginiit ng bagong DHS chief ang kanyang layuning tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan habang pinananatili ang kaayusan sa pagpapatupad ng batas sa imigrasyon.












