Nagpahiwatig si US Pres. Donald Trump ng positibong pag-usad sa usapang pangkapayapaan sa Iran ngunit nagbabala na maaaring hindi palawigin ang umiiral na ceasefire kung walang kasunduang mabubuo bago ang itinakdang deadline.

Ayon kay Trump, na nagsalita sakay ng Air Force One, may “pretty good news” umano kaugnay ng negosasyon sa Iran at inaasahang magpapatuloy ang pag-uusap sa katapusan ng linggo, bagama’t tumanggi siyang magbigay ng detalye.

Gayunman, sinabi rin niya na maaaring tuluyang wakasan ang ceasefire pagsapit ng Miyerkules kung walang long-term peace agreement na mapagkakasunduan, kasabay ng pagpapatuloy ng naval blockade ng Estados Unidos laban sa Iran.

Nauna rito, pansamantalang muling binuksan ng Iran ang Strait of Hormuz kasunod ng hiwalay na tigil-putukan na pinamagitan ng US sa pagitan ng Israel at Lebanon. Ngunit nananatiling hindi tiyak kung kailan babalik sa normal ang daloy ng mga barko sa nasabing ruta, na kritikal sa pandaigdigang suplay ng langis.

Advertisement

Ang hidwaan, na nagsimula noong Pebrero 28 matapos ang pag-atake ng US at Israel sa Iran, ay nagresulta sa libu-libong nasawi at pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo dahil sa pagsasara ng mahalagang daluyan ng langis.

Sa kabila ng muling pagbubukas, nagbabala ang Iran na maaaring isara muli ang Strait of Hormuz kung magpapatuloy ang blockade ng US, at naglatag ng bagong patakaran na kailangang makipag-ugnayan ang mga barko sa kanilang military bago makatawid.

Samantala, nananatiling malaking balakid sa usapan ang nuclear program ng Iran. Iminungkahi ng US ang 20-taong suspensyon nito, habang nais naman ng Iran ang mas maikling panahon na tatlo hanggang limang taon.

Bagama’t may mga indikasyon ng kompromiso, aminado ang ilang opisyal na may mga hindi pa nareresolbang isyu bago makamit ang isang paunang kasunduan.

Sa kabila nito, bumaba ng humigit-kumulang 10% ang presyo ng langis at tumaas ang global stocks kasunod ng pag-asang muling bubukas ang pangunahing ruta ng kalakalan sa langis.

Advertisement