Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Takaichi Sanae na magtulungan para sa agarang pagpapababa ng tensyon sa Strait of Hormuz, ayon sa pahayag ng Japan Ministry of Foreign Affairs nitong Martes.
Sa isang 20 minutong pag-uusap sa telepono noong gabi ng Marso 24, tinalakay ng dalawang lider ang lumalalang sitwasyon sa mahalagang daluyan ng langis sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin ni Takaichi ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa international community upang matiyak ang ligtas na paglalayag ng mga barko sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang tinatayang 20 porsyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
Nagkasundo rin ang dalawang lider na palakasin ang kooperasyon upang mapabilis ang de-escalation ng tensyon sa lugar.
Nauna nang lumagda ang Japan sa isang joint statement na kumokondena sa mga pag-atake ng Iran sa mga commercial vessel sa naturang karagatan. Nanawagan ang pahayag sa Iran na itigil ang mga banta, paglalagay ng mina, at paggamit ng drone at missile na nakaaapekto sa malayang paglalayag.
Ayon sa Japan, ipinaliwanag din ni Marcos ang posisyon at mga hakbang ng Pilipinas kaugnay ng isyu, ngunit wala pang detalyeng ibinahagi tungkol dito.
Samantala, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Malacañang at Department of Foreign Affairs kung sasali ang Pilipinas sa nasabing joint statement.
Matatandaang pansamantalang hinarang ng Iran ang Strait of Hormuz bilang tugon sa air strikes ng Estados Unidos at Israel, na lalong nagpaigting sa tensyon sa rehiyon.













