Binigyang-diin ng Office of the Ombudsman na mananatiling naka-freeze ang mga bank accounts at assets ng lahat ng sangkot sa anomalya sa flood control projects, sa kabila ng expiration ng ilang freeze orders.

Ayon kay Assistant Ombudsman Atty. Mico F. Clavano, hindi pa rin hawak ng mga respondents ang kani-kanilang pera o assets sa bangko. Bagama’t mayroong ilang freeze orders na nag-expire, nakakuha naman ang tanggapan ng tanod-bayan ng “asset preservation order” upang mapanatili ang pag-freeze ng mga bank accounts.

Ipinaliwanag ni Clavano na ang teknikalidad ng asset preservation order ang nagtitiyak na hindi muling mapasakamay ng mga inaakusahan ang kanilang mga bank accounts, alinsunod sa mga civil forfeiture cases laban sa kanila.

Samantala, tiniyak ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na tuloy-tuloy ang imbestigasyon kaugnay ng anomalya sa flood control projects. Bagamat hindi direktang inihayag kung sino ang susunod na makakasuhan, hinimok niya ang publiko na maghintay at sinabi na asahan ang mas marami pang aksyon ngayong tag-init.

Advertisement
Advertisement