Photo © web

Handa nang muling sumabak sa matitinding laban ang Pinay tennis star na si Alex Eala matapos ang kanyang kampanya sa Estados Unidos, sa pagsali sa ilang prestihiyosong torneo sa Europa sa mga susunod na linggo.

Magsisimula ang kampanya ni Eala sa clay court season sa Linz Open na isang WTA 500 event sa Austria na gaganapin mula Abril 6 hanggang 12.

Inaasahang makakaharap ng 19-anyos na Pinay ang ilan sa malalaking pangalan sa mundo ng tennis tulad nina Emma Raducanu, Clara Tauson, Jelena Ostapenko, at defending champion na si Ekaterina Alexandrova.

Kasunod nito, lalahok din si Eala sa isa pang WTA 500 tournament sa Germany mula Abril 13 hanggang 19 bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa mas malalaking kompetisyon.

Advertisement

Kabilang din ang world No. 45 na si Eala sa Madrid Open na gaganapin mula Abril 21 hanggang Mayo 3. Sa nasabing torneo noong nakaraang taon, nagtamo siya ng pagkatalo sa ikalawang round laban sa world No. 1 na si Iga Swiatek matapos ang tatlong sets na laban.

Matatandaang katatapos lamang ni Eala sa kanyang kampanya sa Estados Unidos kung saan lumahok siya sa Indian Wells at Miami Open, na nagsilbing mahalagang paghahanda para sa kanyang sunod-sunod na laban sa international stage.

Advertisement