Inaasahang tataas ang pag-aangkat ng bigas ng Pilipinas sa susunod na taon dahil hindi sapat ang lokal na produksyon upang tugunan ang lumalaking demand, ayon sa ulat ng United States Department of Agriculture (USDA). Gayunpaman, maaaring mapigil ang pagtaas na ito sa pamamagitan ng bagong price-indexed tariff system ng pamahalaan.
Ayon sa ulat na “Philippines: Grain and Feed Annual” ng USDA na inilabas noong Marso 30, 2026, tinatayang aabot sa 5.1 milyong metriko tonelada ang rice imports ng bansa para sa marketing year 2026-2027—mas mataas ng 15.9% kumpara sa 4.4 milyong metriko tonelada noong nakaraang taon.
Samantala, inaasahang bahagyang tataas lamang ng 0.4% ang lokal na produksyon ng palay sa 19.68 milyong metriko tonelada. Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa pataba at produktong petrolyo, na bumabawas sa epekto ng suporta ng pamahalaan at magandang kondisyon ng panahon.
Batay sa milling recovery rate na 63%, katumbas ito ng humigit-kumulang 12.398 milyong metriko tonelada ng bigas—kulang sa inaasahang konsumo na 17.65 milyong metriko tonelada, na patuloy namang tumataas dulot ng paglaki ng populasyon.
Ipinaliwanag ng USDA na kahit may kaunting pagtaas sa ani, patuloy na lalaki ang pangangailangan sa bigas bilang pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Dagdag pa rito, ang ipinatupad na apat na buwang rice import ban noong 2025 ay nakaapekto sa suplay, kaya inaasahang mag-iipon muli ng stock ang pamahalaan at mga negosyante sa pamamagitan ng lokal na produksyon at pag-aangkat.
Ipinatupad din ngayong taon ang price-indexed tariff system kung saan naglalaro sa 15% hanggang 35% ang buwis sa imported na bigas, depende sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado. Ngunit ayon sa USDA, maaari itong magdulot ng spekulasyon sa merkado kung saan maaaring mag-imbak ang ilang negosyante upang hintayin ang mas mataas na presyo.
May ilang sektor naman ang nananawagan na ibalik ang 35% na taripa upang higit na maprotektahan ang lokal na industriya ng bigas.
Samantala, nagtakda ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng price cap na ₱50 kada kilo para sa imported na bigas upang mapigilan ang pagtaas ng presyo.
Ayon naman kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi kakulangan ng suplay ang pangunahing problema kundi ang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado, lalo na dahil sa mataas na gastos sa logistics at epekto ng tensyon sa Middle East.
Dagdag niya, maaaring tumaas ng ₱2 hanggang ₱5 kada kilo ang presyo ng pagkain dahil sa pagtaas ng gastos sa transportasyon at pataba.
Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Agriculture na may mga hakbang na isinasagawa tulad ng paggamit ng alternatibong pataba upang mapanatiling sapat ang suplay at maprotektahan ang mga mamimili laban sa mas mataas na presyo.













