Mahigpit na mino-monitor ng Department of Health ang presyo ng mga gamot sa gitna ng krisis sa fuel na dulot ng tensyon sa Middle East, kasabay ng pagtitiyak na sapat ang suplay sa bansa.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, bagamat walang kakulangan sa suplay ng gamot sa kasalukuyan, posibleng maapektuhan ang presyo nito dahil sa pagtaas ng gastos sa transportasyon at produksyon.
Ipinaliwanag niya na tulad ng ibang produkto gaya ng pagkain at damit, maaaring tumaas ang presyo ng gamot bilang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.
Tiniyak naman ng DOH na may sapat na stockpile ng gamot ang pamahalaan na naka-standby para sa mga ospital at publiko, kaya’t walang dapat ipangamba sa kakulangan ng suplay sa ngayon.
Gayunpaman, inamin ng kalihim na maaaring maramdaman ang epekto sa mga susunod na pagbili, lalo na kung magpatupad ng price increase ang mga manufacturer.
Dagdag pa rito, nagpapatuloy ang normal na operasyon ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga ospital at iba pang pasilidad ng DOH, kabilang ang mga programang nagbibigay ng agarang lunas sa publiko.
Sa kabila nito, pinayuhan ang publiko na maging handa sa posibleng pagtaas ng out-of-pocket expenses sa pagbili ng gamot habang patuloy ang krisis sa fuel sa pandaigdigang merkado.














