Inaasahang aabot sa “danger” na antas ang heat index sa Dumangas, Iloilo at Catarman, Northern Samar ngayong Lunes, kasunod ng parehong kondisyon noong Linggo ng Pagkabuhay, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay sukatan ng epekto ng mataas na temperatura at humidity sa kakayahan ng katawan na magpalamig. Ang heat index na 42ºC hanggang 51ºC ay itinuturing na “danger,” na may mataas na panganib ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.
Batay sa forecast noong alas-5 ng hapon ng Abril 5, inaasahang aabot sa 42ºC ang heat index sa Dumangas at Catarman. Maraming iba pang lugar sa bansa ang nakararanas ng “extreme caution” na heat index, kabilang ang Metro Manila (NAIA, Pasay – 38ºC; Science Garden, Quezon City – 37ºC), Ilocos Region (Dagupan City – 40ºC), Central Luzon (Baler at Casiguran – 39ºC), at Western Visayas (Roxas, Iloilo City – 40ºC).
Sa Visayas at Mindanao, mataas rin ang heat index: Maasin – 41ºC; Davao City at Cotabato City – 40ºC; Zamboanga at Dipolog – 40ºC.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat sa matinding init, uminom ng maraming tubig, umiwas sa direktang sikat ng araw, at bantayan ang mga senyales ng heat exhaustion o heat stroke upang maiwasan ang panganib sa kalusugan.














