Bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang panukalang “Bayanihan 3,” subalit binigyang-diin ang pangangailangan na masuri at rebisahin ang detalye ng measure habang prayoridad ng gobyerno ang agarang aksyon para tugunan ang tumataas na presyo ng langis.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hinihintay ng administrasyon ang pormal na bersyon ng panukalang batas mula sa Kongreso bago ito ganap na masuri.

“Kailangan po ding makita natin kung ano po iyong pinakadetalye ng bill at lahat po ng maaaring makatulong sa ating mga kababayan, iyan naman po ay tutugunan at sasang-ayunan ng ating Pangulo,” ani Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.

Nauna rito, pinalutang ng ilang mambabatas ang Bayanihan 3 bill, na ginaya sa pandemic-era measures, upang tugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at global energy volatility, at gawing institusyonal ang government response.

Advertisement

Ani Castro, nagpapatuloy ang pag-uusap tungkol sa panukalang batas, ngunit binigyang-diin ang pangangailangan ng malinaw na dokumento upang payagan ang executive branch na suriin ang potensyal na epekto at kinakailangang pondo. “Mas maganda po kung mas mapapabilis nila para po mapag-aralang maaga, para po ma-implement sa pinakamabilis na pagkakataon,” dagdag niya.

Sa ngayon, wala pang update kung ang panukalang batas ay pormal nang naisumite o tinalakay na ng mga economic managers. Samantala, nakatutok ang gobyerno sa mga agarang hakbang sa ilalim ng energy emergency, kabilang ang pagpapanatili ng fuel supply, pamamahala sa presyo ng petrolyo, at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong sektor gaya ng transport workers at mga magsasaka.

Advertisement