Photo© web

Tinanggap ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbabalik sa bansa ng 342 Pilipino mula Abu Dhabi, United Arab Emirates, matapos dumating ang ikawalong chartered repatriation flight sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, nasa 203 sa mga repatriate ang overseas Filipino workers (OFWs) habang ang iba ay kanilang mga dependents at kamag-anak.

Sinabi ng kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy ang pinalakas na suporta ng pamahalaan para sa mga umuuwing OFWs, kabilang ang financial aid, reintegration programs, at job support.

Ayon pa kay Secretary Cacdac, bahagi ito ng patuloy na hakbang ng pamahalaan sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan, kung saan nakikipag-ugnayan ang mga ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) para sa job matching at livelihood programs.

Advertisement

Kasama sa pag-welcome sa mga repatriates ang Department of Health (DOH), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang ahensya ng pamahalaan na nagbigay ng agarang tulong medikal, pinansyal, at pansamantalang tirahan.

Ayon sa DMW, isinagawa ang operasyon sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa UAE upang matiyak ang ligtas na pag-uwi ng mga Pilipino.

Dagdag pa ng ahensya, inaasahan pa ang mga susunod na chartered flights kung saan mahigit 2,000 OFWs pa ang posibleng ma-repatriate depende sa sitwasyon sa Middle East.

Advertisement