Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na magsasagawa ang ahensya ng rebyu at ilang konsiderasyon sa implementasyon ng mga umiiral na ordinansa sa ilalim ng Safer Cities Initiatives, kasunod ng mga ulat ng umano’y kontrobersyal na paghuli sa Mandaluyong City.

Ayon kay Remulla, layunin ng rebyu na matiyak ang maayos at patas na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa, partikular sa gitna ng mga insidenteng kinasangkutan ng mga awtoridad sa Mandaluyong.

Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na patakaran bilang bahagi ng Safer Cities Initiatives, upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga komunidad.

Bahagi rin ng rebyu ang pagsusuri sa datos ng krimen, kabilang ang paghahambing ng mga naitalang insidente sa parehong panahon noong 2024 at 2025, upang masukat ang bisa ng programa.

Advertisement

Samantala, batay sa ulat mula sa mga District Directors at Regional Directors ng Philippine National Police (PNP), nakitaan ng malaking pagbaba sa bilang ng krimen ngayong buwan ng Abril.

Patuloy namang inaasahan ng DILG na mas mapapabuti pa ang implementasyon ng programa sa pamamagitan ng nasabing hakbang.

Advertisement