Kinondena ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni ang mga pahayag ni US President Donald Trump laban kay Pope Leo XIV na tinawag niyang “unacceptable,” sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng White House at Vatican.

Sa isang pahayag noong Lunes, sinabi ni Meloni na hindi dapat gawing target ng pagbatikos ang Santo Papa, na may tungkuling magtaguyod ng kapayapaan at magsalita laban sa digmaan.

“I find President Trump’s words towards the Holy Father unacceptable,” ani Meloni, at idinagdag na normal lamang para sa Papa ang manawagan ng kapayapaan.

Naging kontrobersyal ang mga pahayag ni Trump, Pangulo ng Estados Unidos, matapos niyang batikusin si Pope Leo XIV sa social media at ilang panayam, kung saan tinawag umano niya itong “weak on crime” at “terrible for foreign policy.”

Advertisement

Iniugnay rin ni Trump ang pagkakahalal sa Santo Papa sa pagiging Amerikano nito, na aniya ay “the best way to deal with [him].”

Bilang tugon, sinabi ni Pope Leo XIV, pinuno ng Simbahang Katolika, na hindi siya natatakot sa administrasyon ni Trump at patuloy siyang magsasalita para sa kapayapaan.

“I have no fear of the Trump administration… I believe in the message of the Gospel as a peacemaker,” pahayag ng Santo Papa.

Nilinaw naman ng Vatican na ang kanilang tungkulin ay hindi katulad ng mga pulitiko sa larangan ng foreign policy, kundi nakatuon sa moral na paninindigan laban sa karahasan at digmaan.

Samantala, iniulat na binura na ang isang social media post na nagpapakita kay Trump na inihalintulad kay Jesus, na nauna niyang itinanggi at sinabing siya ay inilalarawan lamang bilang isang doktor.

Advertisement