Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa 4,862 Pilipinong seafarers ang kasalukuyang na-stranded sa Strait of Hormuz habang nagpapatuloy ang tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, kabilang ang mga Pilipino sa tinatayang 20,000 seafarers mula sa iba’t ibang bansa na naipit sa nasabing mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan.

Karamihan sa mga barkong hindi makadaan ay mga oil at gas tankers pati na rin cargo ships, na naapektuhan ng umiigting na alitan sa rehiyon.

Sinabi ng DFA na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga kinauukulang bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga tripulante at ang posibleng ligtas na paggalaw ng mga barkong may bandilang Pilipino.

Advertisement

Batay sa datos, mula sa karaniwang 3,000 barkong dumaraan bawat buwan sa Strait of Hormuz, bumagsak ito sa 200 lamang sa unang linggo ng Abril dahil sa lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Nauna nang nagsumite ang Pilipinas ng diplomatic requests sa Iran upang payagan ang pagdaan ng ilang barko na may sakay na mga Pilipinong tripulante.

Sa kabila nito, wala pang konkretong kasunduan sa ngayon, ngunit tiniyak ng DFA na nagpapatuloy ang kanilang negosasyon sa pamahalaan ng Iran upang maresolba ang sitwasyon.

Advertisement