Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpanya ng langis na isumite at gamitin ang kanilang available storage capacity bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng fuel sa bansa.

Ayon sa DOE, ang advisory ay alinsunod sa Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency.

Sa ilalim ng kautusan, kinakailangang regular na iulat ng lahat ng downstream oil industry participants na may-ari, umuupa, o nagpapatakbo ng terminals at depots ang kanilang kabuuan at available na storage capacity.

Layunin nitong masubaybayan ng DOE ang antas ng suplay at agad na makakilos sakaling magkaroon ng kakulangan sa fuel sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa global energy market.

Advertisement

Nagbabala ang ahensya na ang hindi pagsunod sa direktiba ay maaaring magresulta sa regulatory action, kabilang ang suspensyon o kanselasyon ng mga permit.

Pinahintulutan din sa advisory ang koordinadong paggamit ng mga storage facility ng Philippine National Oil Company (PNOC) at PNOC Exploration Corporation upang suportahan ang pambansang pangangailangan sa petrolyo.

Binigyang-diin ng DOE na ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na estratehiya upang mapanatili ang katatagan ng suplay ng enerhiya at maprotektahan ang interes ng bansa sa harap ng pandaigdigang hamon sa merkado ng langis.

Advertisement