Umani ng panibagong kontrobersiya si US President Donald Trump matapos magbahagi ng isang AI-generated na larawan kung saan makikitang tila yakap siya ni Jesus Christ, kasunod ng nauna niyang post na inulan ng kritisismo.
Sa naturang larawan na ibinahagi sa kanyang Truth Social account, makikitang magkadikit ang noo ni Trump at ni Jesus habang nakapikit, at may bandila ng Estados Unidos sa likuran. Nilagyan niya ito ng caption na nagsasabing maaaring hindi ito magustuhan ng “Radical Left,” ngunit para sa kanya ay maganda ito.
Nauna rito, nag-post din si Trump ng larawang inihahalintulad ang kanyang sarili kay Jesus, ngunit agad niya itong binura matapos umani ng matinding batikos mula sa publiko.
Ang insidente ay nangyari sa gitna ng kanyang patuloy na bangayan kay Pope Leo XIV, ang kauna-unahang American-born na pinuno ng Simbahang Katolika, na naging kritiko ng digmaan na nagsimula sa air strikes ng US at Israel laban sa Iran.
Sa hiwalay na pahayag, muling binatikos ni Trump ang Santo Papa at iginiit na dapat itong sabihan hinggil sa umano’y karahasan sa Iran, lalo na ang usapin ng nuclear weapons.
Samantala, sinabi naman ni US Vice President JD Vance na dapat maging maingat ang Papa sa pagbibigay ng pahayag tungkol sa teolohiya at mga usaping pampulitika.
Sa kabila ng mga batikos, iginiit ni Pope Leo XIV na hindi siya natatakot sa administrasyon ni Trump at magpapatuloy sa pagsasalita laban sa mga isyung sa tingin niya ay lumalabag sa pandaigdigang batas.
Ang mga Kristiyanong botante ay nananatiling mahalagang bahagi ng suporta kay Trump, na nakakuha ng malaking porsyento ng kanilang boto sa halalan noong 2024.













