Inalis sa kanilang mga posisyon ang hepe ng Philippine National Police Academy (PNPA) at walong iba pang opisyal matapos ang imbestigasyon sa umano’y hazing incident na ikinasugat ng mahigit 20 cadet, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kabilang sa mga inalis sa puwesto si PNPA Director Police Major General Andrei Dizon at walong iba pang opisyal bilang bahagi ng administratibong hakbang habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), inaprubahan ni Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang rekomendasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magsagawa ng full-blown investigation laban sa mga opisyal na sangkot.

Ito ay kaugnay ng posibleng criminal at administrative liabilities sa naturang insidente.

Advertisement

Batay sa ulat, mahigit 20 fourth-class cadets ang nasugatan matapos ang umano’y hazing na naganap noong Abril 3, kung saan ilan sa kanila ay nagtamo ng paso at pinsala matapos ma-expose sa halo ng drain cleaner at muriatic acid, ayon sa PNP.

Nauna nang naaresto ang tatlong suspek habang apat pa ang natukoy at kasalukuyang iniimbestigahan.

Lumabas din sa paunang imbestigasyon na ang insidente ay nag-ugat umano sa internal issue sa pagitan ng mga cadet kaugnay ng planong pag-alis ng isa sa kanila, na nauwi sa parusang ipinatupad laban sa mga underclassmen na sinisisi sa sitwasyon.

Advertisement