Lumalakas ang kumpiyansa ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairperson Panfilo Lacson na makakakuha ng sapat na suporta ang partial committee report sa kontrobersyal na flood control projects matapos madagdagan ng dalawang bagong pirma.
Kinumpirma ni Lacson na lumagda na sina Sen. Vicente Sotto III at Sen. Erwin Tulfo sa naturang ulat, na nagdadala sa kabuuang bilang ng mga pumirma sa anim.
Gayunman, sinabi ng senador na kailangan pa ng hindi bababa sa tatlong lagda upang maihain ang partial report sa plenaryo ng Senado. Kapag naisumite, maaari na itong pagdebatehan, amyendahan, at tuluyang pagtibayin ng buong kapulungan.
Ayon pa kay Lacson, may ilan pang miyembro ng komite ang nagpahiwatig ng kahandaang lumagda, bagama’t may ilan ding nag-aatubili dahil umano sa impluwensya ng kanilang mga dating kasamahan sa mayorya.
Iginiit naman ni Lacson na hindi niya pipilitin ang kanyang mga kapwa senador bilang paggalang sa kanilang indibidwal na desisyon. Sa kabila nito, ibinahagi niyang nag-alok ng tulong si Sotto upang makahikayat pa ng dagdag na suporta para sa ulat.
Nauna nang sinuspinde ni Lacson ang mga pagdinig ng komite kaugnay sa isyu ng flood control projects hanggang sa maipresenta ang ulat sa plenaryo.
Binigyang-diin niya na mawawalan ng saysay ang pagpapatuloy ng mga pagdinig kung hindi rin ito hahantong sa isang kongkretong ulat na maaaring talakayin at pagpasiyahan ng buong Senado.














