Naniniwala ang Malakanyang na nakatulong ang kanselasyon ng pasaporte ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sa kanyang pagkakaaresto, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ayon kay Castro, lumiliit ang tsansa ng isang indibidwal na makagalaw o makapagtago kapag kinansela ang kanyang pasaporte, dahilan upang mas mapadali ang pag-track sa kanyang kinaroroonan.
Si Co ay nahaharap sa kasong malversation of public funds kaugnay ng ₱289 milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, na iniugnay sa kumpanyang Sunwest na pag-aari umano niya.
Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kinansela na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ni Co, bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang mapanagot ito sa mga kaso.
Dahil dito, inatasan din ng Pangulo ang DFA at ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa upang matiyak na hindi makakapagtago si Co at agad itong maibabalik sa bansa sakaling matagpuan.
Samantala, sinabi rin ni Castro na naniniwala siyang may mas mataas na dahilan sa likod ng pagkakahuli kay Co. “God works in mysterious ways,” aniya, at darating din ang panahon na mananagot ang mga taong may kinakaharap na kaso.
Tiniyak naman ng Malakanyang na magbibigay sila ng karagdagang update hinggil sa sitwasyon ni Co kasunod ng kanyang pagkakaaresto.














