Target ng Department of Education (DepEd) na maglagay ng solar panels sa mga bubong ng pampublikong paaralan pagsapit ng 2027 bilang bahagi ng pagtitipid sa kuryente, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Ayon kay Angara, pinag-aaralan na ng DepEd ang posibilidad ng “solarization” ng mga paaralan upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa mataas na konsumo ng enerhiya, lalo na sa gitna ng umiiral na national energy emergency.
“We’re studying the possibility of solarizing our public schools. We see long-term benefits in installing solar panels on school rooftops,” ani Angara.
Sinabi pa niya na makatutulong ang hakbang hindi lamang sa pagtitipid sa kuryente kundi pati sa pagpapalakas ng energy resilience ng mga paaralan. Dagdag pa niya, marami na ring ahensya ng gobyerno ang nagpatupad ng kahalintulad na inisyatiba.
Gayunman, aminado ang kalihim na wala pang nakalaang budget para sa proyekto ngayong taon, at maaaring isama ito sa susunod na taon o pondohan mula sa savings o maintenance funds ng ahensya.
“We don’t have a budget for that actually… realistically speaking, if we’re looking at doing it on a large scale, maybe we can do it next year,” dagdag niya.
Sa kabila nito, tiniyak ng DepEd na tuloy pa rin ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa pagbubukas ng klase sa Hunyo, kahit umiiral ang national energy emergency sa bansa.














