Isang grupo ng humigit-kumulang 20 barko ang nabigong makatawid palabas ng Gulf of Hormuz nitong Biyernes ng gabi, sa kabila ng anunsyo ng Iran na bukas na ang Strait of Hormuz para sa komersyal na paglalayag.

Ayon sa ship tracking data ng MarineTraffic, ang mga barko ay nagsimulang maglayag patungo sa Strait of Hormuz ngunit kalaunan ay huminto at ang ilan ay umatras pabalik sa Gulf. Ito ang pinakamalaking grupo ng vessels na nagtangkang dumaan mula nang pansamantalang isara ng Iran ang ruta dahil sa tensyon matapos ang mga pag-atake na nagsimula noong Pebrero 28.

Kabilang sa mga barko ang tatlong container ships na pinatatakbo ng French shipping company na CMA CGM, na tumangging magbigay ng pahayag.

Hindi pa malinaw ang dahilan ng pag-atras ng mga barko, ngunit may ulat na ang ilan ay muling bumalik habang may ilang bagong tanker na muling nagtangkang lumapit sa kipot.

Advertisement

Nauna nang sinabi ng mga Iranian official na bukas ang ruta sa lahat ng commercial vessels sa panahon ng 10-araw na ceasefire sa Lebanon, ngunit kailangang i-coordinate ang transit sa Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran.

Ayon sa mga opisyal, dadaan lamang ang mga barko sa itinakdang ligtas na shipping lanes, habang mananatiling bawal ang mga military vessel.

Nagpaalala naman ang International Maritime Organization na kailangan pang tiyakin ang kaligtasan at compliance sa freedom of navigation bago tuluyang bumalik ang normal na biyahe.

Samantala, sinabi ng ilang shipping groups gaya ng BIMCO at mga kumpanya tulad ng Maersk at Hapag-Lloyd na nananatili silang maingat at naghihintay ng karagdagang linaw sa seguridad, kabilang ang banta ng mina sa dagat at mga kondisyon ng Iran.

Ayon sa mga analyst, nananatiling hindi tiyak kung aling shipping lanes ang ligtas gamitin at kung paano ipatutupad ang bagong patakaran, na posibleng makaapekto sa insurance at operational costs ng mga barko.

Advertisement