Photo ©web

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 27 ang mga kasong naisampa kaugnay ng fuel hoarding at profiteering sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Marso.

Ayon sa PNP, kabilang sa mga naitala ang pitong kaso ng hoarding, isang kaso ng profiteering, at 19 iba pang paglabag na may kinalaman sa ilegal na pag-iimbak, transportasyon, at bentahan ng produktong petrolyo.

Sa hiwalay na operasyon, inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Agusan del Norte ang dalawang lalaki na may alyas “Ando” at “Bote” sa Barangay Santa Ana, Tubay dahil sa oil pilferage o “paihi.”

Ayon sa ulat, nahuli ang mga suspek habang nagsasalin ng gasolina mula sa tanker truck patungo sa mga drum at maliliit na lalagyan para sa ilegal na bentahan. Tinatayang nasa ₱6.6 milyon ang halaga ng nakumpiskang produktong petrolyo.

Advertisement

Iniulat din ng PNP na 294 sa 14,527 gas stations sa buong bansa ang pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng supply.

Isinasagawa ang mga operasyon katuwang ang Department of Energy at mga local government unit para sa price monitoring, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mapanatili ang katatagan ng suplay ng langis.

Samantala, iniulat din ng PNP na bumaba ang ilang krimen sa ilalim ng “Safer Cities” initiative. Batay sa datos, bumaba ang murder, homicide, physical injury, at rape cases sa mga panahong sinusuri ng ahensya, na indikasyon umano ng mas pinaigting na seguridad sa mga lungsod.

Advertisement