Photo© web

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na hinostage at pinatay ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) ng kanilang mismong amo sa Beirut, Lebanon noong Abril 15.

Ayon sa DMW, ang mga biktima na kapwa matagal nang naninilbihan bilang kasambahay sa isang residence ay pinagbabaril sa kasagsagan ng insidente.

Nadakip na ang suspek na employer at kasalukuyang nasa kustodiya ng lokal na pulisya habang nakabinbin ang pagsasampa ng mga kaso laban sa kanya.

Kasunod ng insidente, personal na binisita ng mga opisyal ng DMW ang naulilang pamilya ng mga biktima upang magpaabot ng pakikiramay at tiyakin ang buong suporta ng pamahalaan.

Advertisement

Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ang Migrant Workers Office at ang Philippine Embassy sa Lebanon sa mga lokal na awtoridad para sa masusing imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso.

Tiniyak naman ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima at ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa kanilang pamilya, kabilang ang repatriation at access sa mga benepisyo.

Advertisement