Posibleng tuluyang tanggalan ng lisensya sa pagmamaneho ang isang dating alkalde matapos kumalat ang viral video kung saan umano’y pinatakbo niya ang isang gas attendant na hindi nabayaran sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Allacapan, Cagayan.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO), inihahanda na ang lifetime revocation ng driver’s license ng dating opisyal, kabilang ang paglalagay ng “alarm” status sa kanyang sasakyan upang hindi na ito magamit.

Sa ulat, nagpakarga umano ng gasolina ang dating alkalde ngunit umalis nang hindi nagbabayad, dahilan upang habulin siya ng pump attendant na kabilang sa isang Indigenous Peoples (IP) community.

Ipinakita pa umano ng dating mayor ang insidente sa pamamagitan ng pag-video mula sa loob ng sasakyan, na kalaunan ay lumabas na ginawang content vlog.

Advertisement

Dahil dito, kinondena ng LTO ang naturang aksyon at iginiit na hindi dapat gawing content ang mga sitwasyong mapanganib at nakaka-degrade sa ibang tao.

Lumabas din sa imbestigasyon na maaaring pagmamay-ari ng dating alkalde ang gasolinahan kung saan nangyari ang insidente.

Naglabas na rin ang LTO ng show cause order laban sa kanya, sa driver, at sa rehistradong may-ari ng sasakyan upang pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at ideklarang hindi karapat-dapat magmaneho.

Samantala, inutusan ang driver na isuko ang kanyang lisensya na nasa ilalim ng 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Advertisement