Maaaring maging batayan sa pagbasura ng ethics complaint laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang boluntaryong hindi pagtanggap nito ng sahod at allowances habang patuloy ang kanyang pagliban sa Senado, ayon kay Senate ethics committee chairperson Sen. JV Ejercito.
Ipinaliwanag ni Ejercito na kung kusang loob na hindi tatanggap ng sweldo at benepisyo si dela Rosa, maaaring mawalan ng basehan ang reklamong isinampa laban dito. Gayunman, nilinaw niyang ang pinal na desisyon ay nakasalalay pa rin sa mga miyembro ng komite.
Matatandaang hindi na dumadalo sa mga sesyon si dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, kasabay ng mga ulat na umano’y may inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng kampanya kontra droga.
Noong Pebrero 2026, naghain ng ethics complaint ang civil society group na “Wag Kang KuCorrupt,” na humihiling ng pormal na imbestigasyon sa matagal na pagliban ng senador at posibleng paglabag sa mga patakaran at pamantayang etikal ng Senado.
Nanawagan si Ejercito kay dela Rosa na pansamantalang isuko ang pagtanggap ng kanyang sahod at allowances upang maibsan ang isyu at maging patas sa lahat.
Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na wala pang umiiral na “no work, no pay” policy sa Senado, kaya kinakailangan pang amyendahan ang mga panuntunan upang matugunan ang ganitong sitwasyon.
Nakatakdang muling magpulong ang komite sa Abril 28 upang talakayin ang mga nakabinbing reklamo at suriin ang mga ito batay sa porma at substansya.














