Nasawi ang isang student leader ng University of the Philippines Diliman University Student Council na kabilang sa 19 na nasawi sa insidente sa Toboso, Negros Occidental, ayon sa pahayag ng konseho nitong Miyerkules.

Kinilala ang biktima bilang si Alyssa Alano, Education and Research Councilor ng UP Diliman USC, na nasawi sa nangyaring insidente noong Abril 19 sa Barangay Salamanca.

Ayon sa UP Diliman University Student Council, naganap ang insidente matapos umano ang “walang habas na pamamaril” ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nagresulta rin sa paglikas ng tinatayang 168 pamilya o 653 indibidwal.

Tinukoy ng student council si Alano bilang isang “innocent civilian” at kinondena ang kanyang pagkamatay, na iniuugnay nila sa umano’y militarisasyon sa lugar. “Tumitindi ang pandarahas, pandadakip, at pagpatay ng mga magsasakang Negrense,” ayon sa kanilang pahayag.

Advertisement

Samantala, nauna nang iniulat ng Philippine Army na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng 79th Infantry Battalion at mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa parehong lugar.

Ayon sa militar, 19 umano’y miyembro ng NPA ang napatay at isang sundalo ang nasugatan ngunit nasa maayos nang kondisyon.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang UP Office of the Student Regent sa pagkamatay ni Alano, na kanilang inilarawan bilang isang mag-aaral at lider-estudyante ng UP Diliman.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang AFP upang linawin ang magkakaibang ulat kaugnay ng insidente. Bukas din ang Bombo Radyo sa panig ng AFP para sa kanilang pahayag.

Advertisement