Tumanggi ang Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz hangga’t nananatili ang naval blockade ng Estados Unidos, na tinawag nitong malinaw na paglabag sa umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Iranian foreign ministry spokesman Esmaeil Baqaei, hindi maaaring magkaroon ng saysay ang ceasefire kung patuloy itong nilalabag sa pamamagitan ng blockade sa karagatan.

Binigyang-diin din ni Iranian parliament speaker Mohammad Bagher Ghalibaf na hindi posible ang pagbubukas ng estratehikong daluyan habang may umiiral na paglabag sa kasunduan.

Samantala, kinumpirma ng Iran’s Revolutionary Guards na nasamsam ng kanilang naval forces ang dalawang container ships na umano’y lumabag habang tumatawid sa Strait of Hormuz at dinala ang mga ito sa baybayin ng Iran.

Advertisement

Kinilala ang mga barko bilang MSC Francesca na may bandilang Panama at Epaminondas na may bandilang Liberia, batay sa monitoring data ng maritime tracking services.

Ayon naman sa UK-based maritime security monitors, may tatlong commercial vessels ang nakaranas ng insidente sa lugar, kabilang ang isa na pinaputukan umano ng bangkang iniuugnay sa Iranian forces, na nagdulot ng pinsala ngunit walang nasawi.

Patuloy namang sinusubukan ng US Navy na harangin ang mga barkong papasok at palabas ng Iranian ports, habang iginiit ng Tehran na kinakailangan ng pahintulot bago makadaan sa naturang ruta.

Sa kabila ng tensyon, iniulat na posibleng magkaroon ng panibagong round ng usapang pangkapayapaan sa loob ng ilang araw, sa pamamagitan ng pakikipamagitan ng Pakistan.

Nauna nang sinabi ni U.S. President Donald Trump na pinalawig niya ang tigil-putukan upang bigyang-daan ang negosasyon, bagamat hindi pa ito kinukumpirma ng Iran.

Patuloy ang sagutan ng akusasyon ng dalawang panig hinggil sa umano’y paglabag sa ceasefire, habang nananatiling halos sarado ang Strait of Hormuz sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.

Advertisement