Kinumpirma ng Malacañang na ligtas nang nakalabas sa Persian Gulf ang 1,161 Pilipinong tripulante na na-stranded sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isinagawa ang paglikas ng mga seafarers mula unang linggo ng Abril hanggang Abril 18, 2026.

Aniya, ang mga Pilipino ay isinakay sa 22 barko na matagumpay na nakalabas mula sa nasabing rehiyon.

Sa kabila nito, may 412 seafarers pa ang nananatili sa Persian Gulf, ngunit tiniyak ng pamahalaan na ligtas ang kanilang kalagayan at may sapat na suplay ng mga pangangailangan.

Advertisement

Samantala, nakipagpulong si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa mga opisyal ng Saudi Arabia upang matutukan ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers at pangunahan ang repatriation mula sa mga apektadong lugar.

Nakauwi na rin sa Pilipinas si Cacdac kasama ang 16 OFWs mula sa Riyadh at Jeddah. Sa kabuuan, umabot na sa 7,144 Pilipino ang napauwi mula sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan.

Patuloy namang minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa rehiyon habang nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at agarang pag-uwi ng mga Pilipino.

Advertisement