Naniniwala si Akbayan Rep. Chel Diokno na hindi pa “crucial” sa kasalukuyang yugto ng impeachment proceedings ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue na naglalaman ng tax records.
Ayon kay Diokno, sa kasalukuyang yugto kung saan tinutukoy pa lamang ang probable cause, hindi pa kinakailangan ang pagbubukas ng naturang kahon dahil maaari pa itong gamitin bilang batayan upang kuwestyunin ang proseso sa korte.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang pagpapatawag sa Anti-Money Laundering Council at BIR ay may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa niya, sapat na umano ang mga inilabas na transaction records ng AMLC at ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte upang patunayan ang sinasabing hindi maipaliwanag na kayamanan.
Matatandaang nagkasundo ang mga miyembro ng House Committee on Justice sa pagdinig noong Abril 22 na huwag munang buksan ang “green box” na naglalaman ng tax records ng Bise Presidente at ng kanyang asawa na si Manases Carpio.
Sa ngayon, binigyang-diin ni Diokno na hindi pa ito kinakailangan habang nasa yugto pa lamang ng pagtukoy ng probable cause ang komite.
Gayunman, sinabi niyang maaari pa ring buksan ang naturang kahon sa mga susunod na yugto ng proseso, sakaling umusad ang reklamo sa mas mataas na antas ng impeachment proceedings.













