Haharap ngayong Abril 24 bilang state witness si dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo sa bail hearing ng kasong malversation laban kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Naganap ang pag-usad ng pagdinig matapos ideklara ng court doctor na si Dr. Warlin Basuel na “clinically stable” si Bernardo, dahilan upang payagan siyang tumestigo sa hapon ng parehong araw.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan Third Division, tinanong ng mga mahistrado ang prosecution kung handa si Bernardo na humarap sa witness stand, na agad namang sinagot ng “oo” ng kampo ng prosekusyon.
Dapat sana ay tumestigo si Bernardo noong Abril 23, ngunit hindi ito natuloy matapos siyang maospital dahil sa bronchitis at iba pang karamdaman.
Ang kanyang testimonya ay inaasahang magiging mahalaga sa kaso na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project na sinasabing nagresulta sa malversation ng pondo ng gobyerno.
Patuloy na dinidinig ng Sandiganbayan ang bail petition ng akusadong si Revilla at limang iba pa habang isinasagawa ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon.














