Arestado ang itinuturing na Rank No. 1 Most Wanted Person sa Tigaon, Camarines Sur matapos ang isinagawang manhunt operation ng pulisya noong gabi ng Abril 23 sa Barangay Talojongon.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Yudz,” na nahaharap sa tatlong bilang ng kasong statutory rape na may rekomendasyong walang piyansa. Ayon sa ulat, nadakip siya bandang alas-8:30 ng gabi sa Zone 6 sa pamamagitan ng isang strategic Manhunt Charlie Operation.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Tigaon Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Captain Allein T. Molina, Assistant Chief of Police, na may koordinasyon at mataas na antas ng propesyonalismo.

Ayon sa pulisya, ang buong operasyon ay maingat na naitala gamit ang Alternative Recording Device (ARD) upang matiyak ang transparency at integridad ng proseso ng pag-aresto.

Advertisement

Matapos ang pagkakadakip, agad dinala ang suspek sa Tigaon Primary Hospital para sa medical examination bago ito tuluyang isinailalim sa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Itinuturing ng mga awtoridad ang pagkakaaresto bilang mahalagang hakbang sa kampanya laban sa kriminalidad sa lalawigan ng Camarines Sur.

Advertisement