Humarap sa Sandiganbayan ngayong Biyernes, Abril 24, ang state witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at nagbigay ng testimonya kaugnay sa kinakaharap na kasong malversation ni dating Senador Ramon Revilla Jr. at iba pang akusado.
Sa kanyang pagtestigo, isiniwalat ni Bernardo ang umano’y tatlong beses na cash deliveries kay Revilla na umaabot sa daan-daang milyong piso.
Ayon kay Bernardo, personal niyang inihatid noong Disyembre 2024 ang anim na kahon at isang paper bag na naglalaman ng P125 milyon, kasama ang kanyang driver na si Isko Dela Fuente.
Noong Pebrero 2025 naman, sinabi niyang ang kanyang aide na si Niño Garcia ang naghatid ng 13 kahon na nagkakahalaga ng P250 milyon.
Samantala, noong Marso ng parehong taon, muli umanong personal na naghatid si Bernardo ng karagdagang P125 milyon na nakalagay sa anim na kahon.
Ang pagharap ni Bernardo sa korte ay bahagi ng nagpapatuloy na bail hearing kaugnay sa kasong malversation laban kay Revilla at limang iba pa, na may kaugnayan sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Matatandaang hindi nakadalo si Bernardo sa nakaraang pagdinig dahil sa karamdaman, batay sa kumpirmasyon ng resident doctor ng anti-graft court.
Sa kanyang pagharap ngayong araw, nakasuot siya ng face mask alinsunod sa direktiba ni Sandiganbayan Third Division Chairperson at Associate Justice Karl Miranda.














