Iginiit ng Malacañang na walang kontradiksyon sa mga pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan kaugnay sa pagkaka-detain sa Czech Republic ng dating Ako Bicol Party-List Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, malinaw ang paliwanag ng Pangulo at ni Justice Secretary Frederick Vida na si Co ay nasa kustodiya ng Czech authorities dahil sa isyu ng immigration at kakulangan sa tamang dokumento. Giit niya, hindi ginamit ng Pangulo ang salitang “arrest,” kundi “apprehension due to immigration concerns.”
Sinabi rin ng Palasyo, batay sa pahayag ng Department of Justice, na ang “restraint of liberty” kay Co ay kaugnay lamang ng immigration procedures at hindi pormal na pag-aresto sa ilalim ng criminal process.
Batay sa ulat, na-detain si Co sa Prague matapos umanong makapasok sa Czech Republic nang walang kumpletong travel requirements at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad doon.
Noong Abril 16, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. na na-apprehend si Co matapos umanong makatawid ng border nang walang sapat na dokumento.
Samantala, nagtungo na sa Prague sina Justice Secretary Vida at Chief State Counsel Dennis Chan upang makipag-ugnayan sa Czech authorities para sa posibleng pagbabalik ng dating kongresista sa Pilipinas.
Pinag-aaralan din ng Department of Justice ang mga opsyon tulad ng deportation, extradition, o paggamit ng United Nations Convention Against Corruption upang mapauwi si Co. Siya ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y ₱289.5-million road dike project sa Oriental Mindoro, at nawala sa bansa noong Hulyo 2025 bago magbitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list.














