Muling nagpakawala ng ash plume ang Kanlaon Volcano noong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), habang nananatiling nasa Alert Level 2 ang bulkan dahil sa patuloy na volcanic unrest.

Batay sa monitoring ng PHIVOLCS, naitala ang pagbuga ng abo mula alas-6:28 ng gabi hanggang alas-6:55 ng gabi, kung saan umabot sa tinatayang 1,200 metro ang taas ng plume bago tangayin patungong timog-kanluran.

Ayon sa ahensya, nauna nang naobserbahan ang ash emissions noong Sabado ng umaga at Biyernes ng hapon, na nagpapakita na nananatiling aktibo ang bulkan.

Sa kasalukuyan, nakataas pa rin ang Alert Level 2 na nangangahulugang may “moderate level of volcanic unrest.”

Advertisement

Nagpaalala ang PHIVOLCS sa publiko na manatiling alerto dahil sa posibilidad ng biglaang pagputok, paglabas ng abo, at iba pang volcanic hazards sa paligid ng Kanlaon Volcano.

Advertisement