Naglabas ng panibagong evacuation orders ang Israel para sa ilang bayan sa southern Lebanon nitong Linggo, kasunod ng pagkamatay ng isang sundalo at patuloy na bakbakan sa pagitan ng Israeli forces at grupong Hezbollah.
Ayon sa Israeli military, pinayuhan ang mga residente sa pitong bayan na lumikas patungong hilaga at kanluran, lampas sa tinatawag na “buffer zone” na kontrolado ng Israel bago ang umiiral na ceasefire.
Sinabi rin ng Israel na nagsagawa sila ng airstrike laban sa Hezbollah, kabilang ang mga rocket launchers at isang weapons depot, bilang bahagi ng kanilang operasyon.
Iginiit ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pangunahing layunin ng kanilang aksyon ay ang seguridad ng kanilang mga sundalo at ng mga komunidad sa Israel.
Samantala, tumugon ang Hezbollah at sinabing hindi nila ititigil ang mga pag-atake hangga’t nagpapatuloy umano ang paglabag ng Israel sa ceasefire, at iginiit na hindi epektibo ang diplomasya sa kasalukuyang sitwasyon.
Nauna rito, inamin ng Hezbollah na umatake sila sa Israeli troops sa loob ng Lebanon, kabilang ang isang rescue team na rumesponde sa insidente. Kinumpirma naman ng Israeli military na isang sundalo ang nasawi at anim ang sugatan.
Iniulat din ng Israel na naharang nila ang tatlong drone bago pa man makapasok sa kanilang teritoryo.
Ang ceasefire na pinangunahan ng Estados Unidos na nagsimula noong Abril 16 at pinalawig hanggang kalagitnaan ng Mayo ay nagdulot ng pansamantalang pagbawas ng karahasan, ngunit patuloy ang palitan ng putok sa magkabilang panig na kapwa nagsisihan sa paglabag sa kasunduan.
Ayon sa Lebanon health ministry, mahigit 2,500 katao na ang nasawi mula sa mga pag-atake ng Israel mula nang muling sumiklab ang labanan noong Marso 2, kabilang ang mga sibilyan gaya ng kababaihan, bata, at medical workers.
Sa panig naman ng Israel, dalawang sibilyan ang nasawi dahil sa mga pag-atake ng Hezbollah, habang 16 na sundalo ang napatay sa loob ng Lebanon mula nang magsimula ang labanan.














