Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi habang 38 ang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang tren sa Bekasi malapit sa Jakarta nitong Lunes ng gabi.
Nangyari ang aksidente sa Bekasi rail station kung saan nagsalpukan ang isang commuter line train at isang long-distance train, ayon sa ulat ng railway operator ng Indonesia.
Kinumpirma ng mga awtoridad na apat ang nasawi sa insidente habang 38 iba pa ang agad na dinala sa mga kalapit na ospital para sa agarang lunas.
Nagbabala si Sufmi Dasco Ahmad na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga biktima dahil nagpapatuloy pa ang rescue operations sa lugar.
Batay sa paunang ulat, tinatayang anim hanggang pitong katao pa ang naiipit sa loob ng mga bagon. Patuloy ang mga rescue team sa pagputol sa mga bakal na bahagi ng tren upang mailigtas ang mga ito.
Kaugnay nito, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Jakarta Police upang matukoy ang sanhi ng banggaan.
Namataan din ang hindi bababa sa 20 ambulansya sa pinangyarihan ng insidente, habang tumutulong ang mga rescuers mula sa national disaster at rescue agencies sa paglilikas ng mga pasahero.
Inaasahang maglalabas pa ng karagdagang detalye ang mga awtoridad sa mga susunod na oras habang nagpapatuloy ang operasyon sa lugar.














