Sinisi ng Iran ang Estados Unidos sa pagkabigo ng pinakahuling negosasyong pangkapayapaan sa Gitnang Silangan, kasabay ng pagtiyak ng Russia ng suporta nito sa Tehran sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.

Sa pagbisita ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi sa Saint Petersburg, iginiit nito na ang “labis na mga hinihingi” ng Washington ang dahilan kung bakit hindi naabot ng nakaraang round ng usapan ang mga layunin nito, kahit may nakitang progreso.

Naudlot ang inaasahang pagpapatuloy ng negosasyon matapos kanselahin ni US President Donald Trump ang planong pagbisita ng kanyang mga kinatawan na sina Steve Witkoff at Jared Kushner. Ayon kay Trump, maaari pa ring makipag-usap ang Iran kung nanaisin nito.

Samantala, sinabi ng kinatawan ng Iran sa United Nations na kailangan muna ng garantiya mula sa US at Israel na hindi na muling aatake bago sila magbigay ng seguridad sa Persian Gulf.

Advertisement

Sa pulong naman sa Russia, pinagtibay nina President Vladimir Putin at Araghchi ang kanilang “strategic relationship,” habang iginiit ng Iran na ipinakita ng digmaan ang kanilang lakas at katatagan.

Gayunpaman, patuloy na nararanasan sa loob ng Iran ang epekto ng krisis, kabilang ang paghina ng ekonomiya at kawalan ng trabaho, ayon sa ilang residente.

Dagdag pa rito, patuloy ang epekto ng blockade ng Iran sa Strait of Hormuz na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang suplay sa pandaigdigang merkado. Gumanti naman ang Estados Unidos sa pamamagitan ng blockade sa mga pantalan ng Iran.

Sa kabila ng umiiral na tigil-putukan, nagpapatuloy ang tensyon sa Lebanon kung saan may mga naiulat na panibagong karahasan sa pagitan ng Israel at grupong Hezbollah.

Ayon sa mga opisyal, posibleng magpatuloy pa ang labanan sa rehiyon hanggang sa susunod na taon kung hindi agad mareresolba ang umiiral na sigalot.

Advertisement