Pinanatili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad bilang tagapagsalita para sa usapin ng West Philippine Sea sa kabila ng kanyang pagreretiro sa Philippine Navy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Trinidad, agad siyang inatasan ng AFP na magpatuloy bilang special spokesperson upang tuluy-tuloy na maiparating ang posisyon ng Pilipinas sa isyu ng pinag-aagawang karagatan.

Nagretiro ang 2-star general noong nakaraang linggo kasabay ng kanyang ika-57 kaarawan, ngunit sinabi niyang mananatili siyang reservist upang suportahan ang kampanya ng bansa sa West Philippine Sea.

Kilalang isa si Trinidad sa mga pinaka-vocal na opisyal ng AFP laban sa sinasabing propaganda ng China, at aktibo rin sa pagbibigay-linaw sa mga maling impormasyon kaugnay ng maritime dispute.

Advertisement

Bago ang kanyang pagreretiro, nagsilbi rin siya bilang Inspector General ng Philippine Navy at kalaunan ay naging spokesperson ng AFP para sa West Philippine Sea.

Tiniyak din niya ang patuloy na pagbabantay ng militar sa mga isyu sa lugar, kabilang ang mga ulat kaugnay sa mga nakuhang bagay mula sa mga barko ng mga mangingisdang Tsino, na ayon sa AFP ay may kaugnayan sa kanilang mga pagsusuri at ebidensiya sa isyu ng teritoryo.

Advertisement