Inanunsyo ng Senado na isang reklamo ang itinuring na “sufficient in form and substance” ng Senate ethics committee, ayon kay Sen. JV Ejercito, chairman ng komite.

Sa unang pagdinig ng komite mula nang ilathala ang kanilang mga alituntunin, sinabi ni Sen. Ejercito, chair ng Senate ethics committee, na tinalakay nila ang “docket number one” na ipapadala na sa respondent upang makapagbigay ito ng sagot.

Hindi muna ibinunyag ng komite ang pagkakakilanlan ng inirereklamong senador at ang detalye ng kaso.

Ayon kay Sen. Ejercito, target ng komite na muling magpulong sa pagbabalik ng sesyon ng Senado ng Pilipinas sa Mayo 4 upang pormal na talakayin at posibleng maresolba ang unang reklamo bago isunod ang iba pang kaso.

Advertisement

Dagdag pa ng senador, sa kabuuang siyam na reklamo na kanilang sinusuri, higit sa kalahati ang hindi nakasunod sa tamang porma at nilalaman.

Aniya, kulang ang impormasyon ng mga naturang reklamo at hindi rin sumunod sa kinakailangang “matrix,” kaya ibabalik ang mga ito sa mga nagsampa upang maitama.

Patuloy ang pagdinig ng Senate ethics committee bilang bahagi ng mandato nito na suriin ang mga reklamong may kinalaman sa asal at pananagutan ng mga miyembro ng Senado.

Advertisement