Hindi dumalo sa ika-apat na pagdinig ng House Committee on Justice si Vice President Sara Duterte, habang namataan naman siya sa pagbubukas ng isang exhibit sa Laguna.

Sa Kamara, ipinagpatuloy ng mga mambabatas ang ika-apat na public hearing ng impeachment complaints laban kay Duterte, na nakatuon sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at umano’y death threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ipinresenta rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang mga natuklasan kaugnay ng mga alegasyon, habang inaasahan ng panel na magsasagawa ng botohan kung may probable cause para sa impeachment na maaaring umusad sa plenaryo at kalaunan ay sa Senado.

Habang nagpapatuloy ang pagdinig, nanatiling wala si Duterte sa hearing. Ayon sa kanyang kampo, ang mga reklamo ay “recycled accusations” at walang sapat na factual basis.

Advertisement

Giit naman ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, ang paglalabas ng kanilang bank records sa mga naunang pagdinig ay umano’y paglabag sa Bank Secrecy Law, Data Privacy Act, at Anti-Money Laundering Act.

Sa kabilang banda, ang pagdalo ni Duterte sa exhibit na “EXTRA+Ordinary: The Vice Presidents of the Philippines” ay ipinakita ng kanyang kampo bilang patunay na patuloy siyang gumaganap sa kanyang opisyal na tungkulin at public engagements sa kabila ng impeachment proceedings.

Ang nasabing exhibit ay nagtatampok ng kasaysayan ng mga naging Bise Presidente ng bansa at tiningnan ng ilang sektor bilang simbolikong pagpapakita ng pagpapatuloy ng kanyang mandato sa gitna ng mga alegasyon.

Advertisement