Naglabas ng mensahe si Batangas Governor at aktres na Vilma Santos-Recto upang linawin na maayos ang kanyang kalagayan sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng kanilang pamilya.
Sa isang video na ipinost sa kanyang opisyal na Facebook page, pinasalamatan ni Vilma Santos-Recto ang kanyang mga “Vilmates” sa patuloy na suporta at panalangin para sa kanya at sa kanyang asawa na si Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay Gov. Vilma Santos-Recto, may kinakaharap silang mga problema sa kasalukuyan, ngunit nilinaw niyang hindi dapat mabahala ang publiko dahil patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa mga Batangueño.
“But you don’t have to worry, as long as I know deep in my heart—we are serving our people from the heart, nothing to worry,” pahayag niya.
Dagdag pa ng gobernadora, hindi na bago sa kanila ang mga isyung pulitikal, ngunit nagpapasalamat sila sa patuloy na suporta at panalangin ng publiko sa kabila ng mga hamon.
Binigyang-diin din ni Gov. Vilma Santos-Recto ang kahalagahan ng pananampalataya at pagkakaisa sa gitna ng negatibidad, at hinikayat ang kanyang mga tagasuporta na manatiling positibo at maging bahagi ng solusyon sa mga suliranin ng lipunan.








