Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na makatutulong ang pagsusuri sa income tax returns (ITRs) ni Vice President Sara Duterte upang patibayin ang alegasyon ng ill-gotten wealth laban sa kanya.

Ayon kay Chua, susuriin ng House committee on justice ang ITRs ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio at ihahambing ang mga ito sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), pati na sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Securities and Exchange Commission (SEC).

Ipinaliwanag ni Chua na ang paghahambing ng mga dokumentong ito ay inaasahang magpapalakas sa alegasyon ukol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Dagdag pa niya, kung lalabas sa ITRs na mababa ang binayarang buwis kumpara sa bilyun-bilyong pisong transaksyon, magbubukas ito ng tanong kung saan nagmula ang naturang halaga.

Advertisement

Batay sa ulat ng AMLC na isinumite sa Kamara, umabot sa ₱6.77 bilyon ang tinukoy na “covered at suspicious transactions” ng mag-asawa mula 2006 hanggang 2025. Kabilang dito ang ₱4.4 bilyong inflows at ₱1.55 bilyong outflows, na may natitirang ₱2.8 bilyon.

Lumabas din sa SALN na walang naitalang “cash on hand and in bank” ang mag-asawa mula 2019 hanggang 2024, kahit na tumaas ang kanilang net worth mula mahigit ₱7.25 milyon hanggang ₱88.5 milyon noong 2024.

Ayon naman sa SEC, karamihan sa mga kumpanyang may kaugnayan sa kanila ay may mababang kita o nalulugi.

Nauna nang nagpasya ang House committee on justice na hindi buksan ang kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ng mag-asawa, at ipauubaya na lamang ang pagsusuri nito sa Senado sakaling matuloy ang impeachment trial.

Iginiit ni Chua na dapat manaig ang Konstitusyon sakaling magkaroon ng banggaan sa pagitan ng mga umiiral na batas hinggil sa subpoena at pagsusuri ng mga dokumento.

Advertisement